Tuesday, December 06, 2005

Pamamaalam sa Pagkadalaga

Ganito pala ang mag-isa:
Pinagtatagpo ang susi at kandado upang papasukin ang pagod na sarili
sa inuupahang silid na tila mas pagod pa sa namamahay sa kanya:
pinamumugaran ang hangin ng mayuming alikabok, sang-sang ng dapit-hapon,
kabuluhan ng pasko at paalala ng mga dapat labhan at lutuin.
Kinukumutan ang sahig ng mga kasangkapan at nagkalat na babasahin.

Tiis-tiis ang biglang sumakit na ulo,
Kusang liligid ang mga kamay upang iligpit ang masukal na paligid,
Walisin ang maruming sahig, ibabad ang gabunok na labada,
Isaayos ang sarili, ang oras, ang pera.
Tatawag ang inay pagkahapunan, mangungumusta.
Magpapaalala ang kalendaryo ng mga sasahurin at babayaran, mag-a-atrenta na.
Ipupuslit ng alaala ang pangangailangang manghalina.

Pati ang katawan gamay na rin:
kung paanong maligo ng para sa iba,
kung paanong maligo para lamang makaginhawa.
Batid na kung daratnan ng trangkaso, sipon, o ubo,
kung paanong resetahan ang rayuma o lagnat,
kung paanong labanan ang panginginin na dulot ng pagod o ginaw.

Batak na ang mga inuugat na kamay at paa,
sanay na ang pandinig, pang-amoy at panlasa,
tumalas na ang pang-unawa
sa kabila ng panlalabo ng mga mata.
Handa na ring mamuhay ng may kasama pang isa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home